Ako ay nakakulong sa isang tren. Bumabagtas ito sa kinakalawang na riles. Nakikita ko ang isang bagong umagang parating.
Sa nakagapos kong isispan, hindi ko maramdaman ang lahat ng iyon...pati na ang sarili kong katauhan...walang saysay...walang buhay.
ffotoku.info
Ang buong buhay ko ay ginugol ko sa pag-aaral. Ikaw ang magdadala sa amin. Iyan ang bukambibig ni Inay. Mula kindergarten hanggang hayskul, ako ang nangunguna. Walang sinumang nangangahas na pantayan ang aking galing. Ako ang pinakamagaling. Walang makatatalo sa akin, wala nang iba pa, walang magbabago.
Sa pagtuntong ko sa nakatatakot na buhay-kolehiyo, ako ang hinirang na summa cum laude . Tuwang-tuwa ang aking inay at mga nuno. Ako ang pinakabata sa lahat ng mga nagtapos ngunit ako pa rin ang pinakamagaling, wala nang iba, walang magbabago...
Gumanda ang buhay ko. Nagkaroon ako ng magandang trabaho. Kamakailan, ang aking ranggo ay umangat sa pagiging isang chief executive officer ng isang kompanya. nang ako'y makaipon na, nagbitiw ako sa aking tungkulin at nagtayo ng isang negosyo, nag-asawa at nagkaroon ng isang supling. Nagtrabaho ako araw at gabi. Halos hindi na nga ako umuuwi para lamang maibigay sa aking mag-ama ang lahat. Ako pa rin ang pinakamagaling na ina, wala nang iba pa, walang magbabago...
Isang araw, sa aking paggising, wala na sa aking tabi ang aking anak at ang aking kabiyak. Nasaan sila? Nakita mo ba? Tiningnan ko ang isa pang kwarto, wala rin ang aking ina. Nasaan?! Saan sila pumunta?
Sa ilang taon na paghahanap, natagpuan ko ang aking sarili sa isang karinderya. May telebisyon doon kaya nakinood ako. May isang Pinay daw na binitay sa ibang bansa. Flor Contemplacion ang pangalan. Naiwan niyang naliligo ang alaga niya kaya nalunod. Naisip ko, parang ako pala siya, dahil sa paghahangad ng magandang buhay para sa sarili at pamilya ay nagtrabaho at nagsikap. Sa kasawiang palad nga lamang, napabayaan ko rin ang aking alaga, ang aking pamilya, ang aking buhay.. Akala ko ba ako na ang pinakamagaling? Bakit nagkagayon ang lahat?
Bakit? Saan ako nagkulang?
Ako ay nakakulong sa isang tren. Bumabagtas ito sa kinakalawang na riles. Nakikita ko ang isang bagong umagang hindi ko man lamang maabot. Marahil, malayo man ang destinasyong nais kong marating, kailangan ko munang bumaba sa aking kulungan, sa aking tren. Sana, sa pag-akyat ko muli rito, ako ay iba na. Kahit na mahirap, pipilitin kong magpakababa. Kahit na mahirap, hahanapin ko angaking tunay na galing, ang aking tunay na lakas, ang aking tunay na pagkatao.
Sa ngayon, binabagtas ko ang isang buhay na payapa kung saan hindi ako pinakamagaling. Umaasa na sa paggising ko, nariyan na ang mga matagal ko nang hinahanap, ang aking presensya, at ang aking pamilya.
flickr.com



