Ako ay isang photographer. Saan man ako pumunta, malayo man o malapit, lagi kong bitbit ang aking camera. Hindi ko hahayaang ang mga mata ko lang ang mabusog sa nakikita ko, nais ko itong ibahagi sa iba sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato. Klik!
Paru-paro. Dagat. Bukang-liwayway. Bulaklak. Alapaap. Mga imprastraktura. LAhat ng iyan hanggang sa kaliit-liitang bagay na hindi napapansin ay perpekto sa aking paningin. Ang mga bagay na nagbibigay ng panandaliang kakuntentuhan at kasiyahan sa batang tulad ko.
Ngunit, sa dinami-dami ng nakalagak sa ating mundo, ang aking paboritong kunan ay tao.
Oo, tao. Lalo na ang sarili ko.
Punta ng SM. Klik. Pupunta sa Baguio. Klik. Pumunta sa Aurora. Klik. Nabungi ang ngipin. Klik. Unang araw sa eskwela. Klik. Nadagdagan ang pilikmata. Klik. May logo ni Superman. Klik.
Klik. Klik. Klik. Walang katapusang klik. Mapaselfie, jumpshot, look-up, lookdown. Basta litrato ang usapan, tatakbo ako upang ngumiti at magpose.
Sa dinami-dami ng taong nagbabalat-kayo, ila'y nananatili at ila'y hindi nakatatagal, mayroon akong natuklasan na gumuhit sa kaibuturan ng aking puso. Naiinis na ang mga kaibigan ko sa pagkahilig ko sa litrato.
Sobra na raw kasi. Sobra na.
Matapos humiwalay ng langis sa tubig, lumbay ang dumagok sa akin. Hindi naging makatarungan ang paghatol nila sa akin. Ano ba ang nakaiinis sa pagkahilig sa litrato.
Para ka kasing bata, sabi ng kaibigan ko.
Oo, inaamin ko na parang bataa ako--madaling maantig sa maliliit na bagay na aking nasisilayan, ngunit hindi naman ako isip-bata na hindi sumasaya para sa kasiyahan ng kanyang kapwa.
Kung maiintindihan nyo lang...
Ako si Anna. Isa ako sa labindalawang milyon na nakikipaglaban sa sakit na kanser. Nalaman ko ito nang ako'y sampung taong gulang na. Ito ay malala na at baka bukas o makalawa, ako'y nasa langit na. Iyan ang sabi ng doktor. Ngunit kahit may taning na ang buhay ko, klik pa rin ng klik!!
Sa kasalukuyang saglit, nakakalbo na ako. Klik. Nauubos na ang dugo ko sa labi. Klik. Nagbabago na ang kaanyuan ko. Klik!
Klik. Klik. Klik. Hindi ako magsasawa sa tunog na ito. Magsasawa siguro ako kapag lumipad ang sangkabakahan.
Dear camera,
Mamamatay na raw ako. Mamimiss kita nang sobra. Ikaw itong nakauunawa at sumama sa akin sa mundong malalim ang kaligayan, sa mundong hindi natutuwa sa mababaw kong pangarapin at kaligayahan. Isa lang naman ang hiling ko--kapag tuluyan na akong pumanaw, kuhanan mo ako sa suot kong gown sa aking kabaong, 'yung magandang anggulo, at gusto ko kita ang buong katawan. Kuhanan mo rin ang mga makikipaglibing para naman may remembrance sila. Iyon lamang, mamimiss kita. Salamat sa mga alaala at sa pagkuha ng aking mg alalala. Mahal na mahal kita.
P.S. Ipunin mo ang aking mga litrato, ilagay mo sa powerpoint presentation na tribute sa akin kapag inilibing ako ha.
Sa pagtalon ng maraming tala, may dahilan pa rin ang lahat. May dahilan ang bawat klik na kumikiliti sa aking kaluluwa. May dahilan kung bakit mahilig sa litrato at iyon ay dahil sa libing ko. Gusto ko, maganda ang presentasyon sa araw na ako'y ihihimlay, sa pinakahuling araw na makikita ninyo ako sa inyong buhay. Ang araw na pinaghandaan ko sa buong buhay ko.
Maiksi lang kasi ang aking buhay kaya isinalin ko na ang lahat sa litrato. Pasensya sa mga taong ayaw sa ideya ko, sa mga taong nabangga ng paghahanda ko.
Tok-tok-tok. Kumakatok na ang kamatayan. Punta ka sa libing ko ha at litratuhan mo ako. :)




















