Linggo, Agosto 18, 2013

Sa Wakas

                     Naaalala ko pa ang mga araw na iyon--ang mga araw na kami pa ang magkasama.

  
                       Natuwa ako nang isinilang ka. Sa wakas, may mag-aalaga na sa akin at may aalagaan na rin ako, iyan pa nga ang nasabi ko. Sa mga unang araw mo sa mundong ito, hindi mo ako napapansin, tila alikabok pa lamang sa iyong paningin. Hindi ako nalungkot, 'pagkat alam ko napagdating ng araw, ako ang isasama mo sa iyong mga lakbayin.

                       Tatlong gulang ka na at pumapasok na sa eskwela. Sa wakas, ako ay iyo nang makakasama. tinuruan kita sumulat ng abakada at ang mga magulang mo'y kasiyahan ang nadama. Marahil, kung kaya kong umalon ay naabot ko na ang alapaap sa sobrang saya. Dahil sa wakas, ako ay iyo nang nakilala.

                       Isa ako sa naging saksi ng iyong paglaki. Saan ka man tumungo ay kasama mo akong parati. Naroon ako nang matuto kang gumuhit ng bilog, nang gumawa ka ng liham para sa iyong iniirog, nang naisulat mo ang tula na ipinasulat ng iyong maestra, at nang matuto kang humanap ng kapayapaan sa pamamagitan ng paglalathala.

                        Hindi kita iniwan.

                        Matapos nang libo-libong paghihintayan ng araw at buwan, nakita ko na lamang ang aking sarili na mag-isa sa iyong kwarto. Dumungaw ako upang hanapin ka.

                         Nakita kita na may kasama nang iba.

                          Hanggang sa mabulok na ako sa iyong kwarto. Naiinip. Tuliro. Di makasabay sa agos ng buhay. Ang oras ay patuloy na tumatakbo ngunit hindi mo pa rin ako binabalikan. Ang huling balita ko, mayroon ka ng asawa at kayo ay may supling na. Sabi nila, mataas na ang antas mo sa buhay.

                          Ikaw daw ay isang ganap ng manunulat. Sikat at tinitingala ng lahat.

                          Naaalala ko pa ang mga araw na iyon-- ang mga araw na tayo pa ang magkasama. Magkahalong kape at asukal ang aking nalasap. Nakilala mo na nga ang mga panulat na may tinta at nakadama ako ng selos, ngunit sa bandang huli, napagtanto ko na sila ang nagturo sa'yo kung paano magkaroon ng mga konkretong desisyon--mga desisyong hindi na mababago, hindi na mabubura. Mga desisyong kailangan sa giyera ng buhay. Sila ang nagpatuloy ng misyon ko sa'yo, ang tulungan kang iguhit ang kinabukasan mo.

                         Salamat sa kanila. Salamat.

                         At ngayon, dinampot ako ng anak mo mula sa silid mo. May matutulungan na naman ako, subalit sa pagkakataong ito, hindi n aako magiging maramot sa kanya, hindi tulad ng ginawa ko sa'yo.

                         Sa wakas, ako naman ang may natutunan. Salamat sa iyo. Ako ito, ang kapirasong kahoy na gumuhit sa buhay mo. Kilala mo pa kaya ako? Ngunit, kahit na hindi, tandaan mo: ikaw pa rin ang alaga kong paborito.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento